Puno ng Kagandahan: Ating lakbayin ang paraiso ng Marieya Resort.
Napapalibutan tayo
ng isang malawak na mundo na puno ng mga gawain at mga responsibilidad na
naghihintay na ating tuparin. Kaya naman minsan kailangan din nating magpahinga
at takasan ang mga pasaning ito. Sa harap ng mga pagsubok at trahedya na
umiiral sa mundo, mayroong isang pook na nag-aalok ng panandaliang pahinga at
katahimikan— ang Marieya Resort.
Ang Marieya Resort
ay kilala rin noon bilang Maracay Resort na dating pagmamay- ari ni Nancy
Lacuata ngunit ngayon ito ay pagmamay- ari na ni Auril Rey Saturno Duyag. Ang
resort na ito ay matatagpuan sa Purok 3, Brgy. Santa Lucia Maria Aurora,
Aurora. Galing sa pangalan ng aso na si Marieya ang pangalan ng resort nang
dahil sa kaniya at sa mga anak niyang tuta ay na rentahan nila ang buong resort
kaya naman nagsilbi itong inspirasyon sa kanila upang ipangalan sa kaniya ang
naturang resort.
Habang kami ay
naglalakad nakikita namin ang mga bata sa lansangan na talaga namang
nagkakatuwaan sa larong piko, chinese garter, at patintero. Ganito lamang ang
buhay ng mga bata dito dahil nga wala namang palaruang parke ang barangay na ito. Nakakita rin kami ng mga matatanda na nagtatanim sa
garden ng barangay dahil dito sila
nangunguha ng kanilang inuulam kung minsan, nagagalak kaming makita ang
ganitong proyekto ng isang barangay dahil pinapakita lamang nila ang kanilang
pagkakaisa bilang mamamayan. Hindi nagkagayon ay narating na rin namin ang daan papuntang resort sa pamamagitan ng pagpasok sa Saturno’s Farm and Ponds.
Kung ang mga
bibisita ay nasa kalapit lamang na barangay mararating ito sa loob ng (walong)
8 minuto kung ang gamit ay van, at (sampung) 10 minuto naman kung tricycle.
Ang unang hakbang
sa kaharian ng Marieya ay tila isang pagsilay sa misteryo ng gubat. Sa bawat yapak,
nararamdaman mo ang pag-awit ng mga dahon at ligaya ng mga ibon na nagliliparan
sa paligid. Ang pinagsanib na gubat at resort ay nagbigay ng espesyal na
karanasan na tila ba't ang pagkakaugma ng tao at kalikasan ay maaaring maging
maganda at makabuluhan. Sa paglalakbay, natuklasan ko ang mga nakatagong
tanawin na puno ng niyog at bulaklak na nagpapakita ng kaharian ng likas-yaman
na masasaksihan sa Brgy. Sta. Lucia.
Sa pagpasok namin
sa resort na ito bumungad agad sa amin ang dalawang higanteng rebulto na kung saan kami
ay nag selfie bago tumuloy sa aming cottage. Ayon sa may ari ng resort, itinayo
nila ang mga rebultong ito upang bigyang aliw ang pagpasok ng mga panauhin sa
resort.
Ang bayad namin sa
cottage ay nagkakahalaga ng 300 pesos habang ang entrance fee naman ay 35 pesos
kada isang tao ngunit kung sa mga bata ay 25 pesos. May dalawa itong swimming
pool isa para sa mga bata na katamtaman ang babaw at isa para sa mga matatanda
na hindi ganoon gaanong malalim, nakita rin namin na talaga namang maalaga ang
staff dito dahil sila ay laging nag- iikot upang siguraduhin ang seguridad ng
mga tao partikular na sa pagka lunod.
Bukas ang Marieya
Resort 24/7 at p'wede rin ang night swimming o mag overnight ngunit may
karagdagang bayad.
Maaring mag
overnight sa resort na ito na talaga namang napaka ganda ng ambiance dahil sa
mga pailaw na mistulang isang parke.
Hindi mawawala ang
slides na talaga namang nagbibigay saya sa aming mukha dahil hindi kumpleto ang
piknik kung walang slides, bawat mukha ng mga bata hanggang sa matatanda ay talaga
namang mageenjoy dahil mayroon itong dalawang paladusdusan isang pambata at
isang pang matanda. Maari ka ring mag renta ng bola na depende ang presyo sa
bawat laki nito na maari mong gamitin habang na sa pool.
Nang kami ay
nakaramdam na ng gutom kami ay bumili ng mga pagkaing sitsirya at inumin upang
idagdag sa aming dala- dalang pagkaing ulam at kanin dahil nga ang resort na it
ay walang espesipikong tinitindang pagkain. Mayroon din silang videoke na kung
saan maaring mag kantahan ang magkakapamilya o magkakaibigan para sa mas
masayang bonding na nagkakahalagang 200 pesos. Dito ay nasaksihan namin ang
saya ng mga pamilya at magkakaibigan, habang nagkakantahan maririnig ang birit
at nararamdaman sa bawat letrang kanilang kinakanta.
Sa pag pasok din
sa resort ay mapapansin ang mga motor na kanilang ibinebenta na talaga namang
magaganda at abot kaya dahil minsan ang presyo ng mga ito ay negotiable basta
at makikipag- usap na mahinahon at mabuti sa kinauukulan. Maaaring walk- in ang
pag check sa kondisyon ng motor o kaya naman ay online sa
pamamagitan ng messenger chats.
Ang mga staff dito
ay napaka maalaga at madaling lapitan. Mula sa pagdating ninyo sa resort
hanggang sa inyong pag- alis, sigurado ang kanilang kabaitan at
pakikitungo sa bawat isa.
Nang kami ay
dumating sa resort, agad naming naranasan ang malugod na pagtanggap ng mga
staff. Ipinapakita nila ang kanilang mga ngiti at mainit na bati upang magbigay
ng komporta at magpabatid na kayo ay malugod na tinatanggap dito. Handa silang
tugunan ang inyong mga katanungan at pangangailangan sa abot ng kanilang
makakaya.
Habang kami ay
naliligo panandalian muna naming nakalimutan ang aming mga problema at pasanin
sa buhay. Dito nakaramdam kami ng kapanatagan ng loob at kahit papaano ay
nakapag relax ng kaunti sa malamig na tubig nito, napawi ang stress at bigat na
nararamdam sa aking pang araw- araw na pamumuhay at napalitan ng kasiyahan at
kagaanan ng puso mula sa bigat ng nararamdaman. Nabighani sa kabaitan ng mga
tao at na mangha sa kagandahan ng local na resort na ito na pinapalibutan ng
mga puno’t dahon.
Ang pagbisita sa
resort na ito ay isang magandang karanasan dahil ito ay isang pampaginhawa,
isang pag-alis sa realidad, at isang daan upang maalala ang tunay na
kahalagahan ng buhay. Sa huli, hindi lamang ito isang paglalakbay, kundi isang
pagbibigay ng bagong pananaw at damdamin ng kasiyahan at kapayapaan. Kaya't
hayaan mong ang iyong mga paa'y humakbang patungo sa isang resort, at buksan
ang iyong puso't isipan sa mga bagong karanasan at kakulangan sa mga hindi
malilimutang alaala. Hindi mona kailangan pang bumyahe ng malayo at mag bayad ng mahal upang magpahinga dahil ang Marieya Resort ay malapit at abot kaya.
Ngayon mas handa na muli kaming harapin ang mga hamon ng buhay, responsibilidad, at gawaing naghihintay na ma tupad. Kaya ano pa’ng hinihintay ni’yo? Bisitahin na ang gandang mala paraiso, mga punong sumasayaw sa galak at mga hanging umiihip sa tuwa. Talagang mararamdaman ang pahingang kailangan sa Marieya Resort, ang lugar na puno ng puno na talaga namang pupunoin nang tuwa at pahinga ang iyong puso’t kaisipan na puno ng kabigatan.
Comments
Post a Comment