Pambihirang kagandahan ng Balete Tree o Millenium Tree
Sa mga nagdaan na araw na puno ng mga problema. Nagsabay sabay na problema sa pera, pamilya, pag-aaral, at iba pa. Kasama ang aking mga kaibigan, naisipan namin na pumunta sa isang lugar na kung saan makakalanghap ng sariwang hangin at makasulyap ng magandang kapaligiran na makakatulong upang aming pansamantalang makalimutan ang reyalidad at makahinga sa mundong ating ginagawalawan. At unang pumasok sa aming isipan ang pinakamalapit at sikat na pasyalan na pinupuntahan ng maraming turista, na nagmula pa sa iba’t - ibang sulok ng Pilipinas at ang iba ay nagmula pa sa ibang bansa. Ang pinaka malaking puno ng Balete sa buong Asya, na may lawak na higit kumulang animnapung (60) metro, taas na animnapu’t lima (65) metro, at tinatayang edad na higit sa 600 taon ay nagbibigay ng kahanga-hangang tanawin.
Mula sa aming paaralan, naglakad kami sa patag at malawak na
kalsada patungo sa natatanging Balete Tree o tinatawag ding Millenium Tree ng
Brgy. Quirino, Maria Aurora, Aurora na ayon sa mga nakatira rito ay nakaplano
daw ang bawat sulok ng barangay na ito kaya’t napakalawak at ganda nga ng
barangay na ito.. Sa bawat hakbang, nadama namin ang naghalong kaba at
kagalakan sa pagtuklas ng kahanga-hangang tanawin na naghihintay sa amin.
Malayo pa lamang natatanaw na namin ang ganda at laki ng Balete Tree.
At nang kami ay makarating, ay agad kaming nagbayad ng
entrance fee na nagkakahalaga ng 20 pesos para sa mga kabataan ,15 pesos sa
senior citizen at 10 pesos naman sa mga bata. Abot kamay lamang ang presyo kaya
hindi mabubutas ang iyong bulsa. At pagkatapos
mong magbayad ng entrance fee, ay makikita mo na ang kabuoan ng matayog
na balete tree at mapapansin din ang nagsisilakihan nitong
mga sanga at mga ugat. Sa aming bawat
hakbang papalapit sa puno ng Balete Tree, ay mas lalo namin nasisilayan ang
kagandahang taglay ng punong ito.
Habang kami ay naglalakad sa palibot ng makasaysayang puno,
ay agad na pumukaw sa aming atensyon ang bilihan ng mga pagkain at
pasalubong. Sila ay naggagawa at
nagtitinda ng iba’t ibang klase ng pagkaing lokal. Makikita mo rin ang aktwal
na paggawa o pagluto ng pakumbo at iba’t ibang uri ng suman na sila rin ang
gumagawa at nangunguha ng mga sariwang sangkap nito. Tunay ngang napakasarap ng
kanilang mga gawang pagkain dito, at malalasahan mo sa sarap nito na tunay na
ginawa ito ng may pagmamahal. Sila rin ay nagtitinda ng mga pwedeng pasalubong
tulad ng kanilang pinagmamalaking sikat at dinadayong suka, keychains,
t-shirts, mugs, baskets, pamaypay, at marami pang iba na maaari mong ibigay sa
iyong mga minamahal sa buhay na hindi mo nakasama sa pagtuklas ng kagandahan at
kasaysayan ng balete tree. Kitang kita sa mga mata ng bawat taong bumubuo at
nangangalaga sa Balete Tree ang saya at ang kagalakan sa kanilang mga nilalaang
kilos upang lalong mapaganda at mapangalagaan ang makasaysayang punong
ito. Marami ring iba’t ibang uri ng
pagkain na mabibili rito tulad ng mga chips,
bagong pitas na malalaki at matatamis na suha mula sa kanilang taniman,
at bagong pitas na buko na sobrang tamis at lamig. Mayroon din silang tinitinda
na pwedeng itanim na patubo na Dwarf Coconut tree na maaaring bilhin ng kahit
sino mang turista, sapagkat ang preso nito ay hindi mabigat sa bulsa .
Sunod naming napansin ang Tren na nakahinto sa harap ng puno
ng balete, na kung saan ito ang kanilang ginagamit upang sila ay makapasok sa
kanilang “Secret Garden”. Ang lugar na kung saan makikita mo ng iba’t ibang
disenyo na kanilang mga binuo sa lugar na iyon.
Hindi lingid sa aming kaalaman na unti unti na pala naming
nakakalimutan ang reyalidad o sa mga problemang aming kinakaharap.
Habang kami'y papasok sa loob ng puno, nadama namin ang
kasaysayan na bumabalot dito. Ang bawat hakbang ay puno ng kasiyahan at
kakaibang karanasan. Ang mga liwanag ng araw na sumisilip sa bawat butas sa
pagitan ng mga ugat habang kami ay naglalakbay papasok sa loob ng balete, na
parang naghuhudyat sa amin na sa bawat daang madilim na ating kinakaharap, ay
mayroon pa ring liwanag sa dulo nito na kung matatagpuan natin ang magadang
resulta ng bawat kadiliman o masasalimot na nakaraan. Sa tuktok ng puno, ang
tanawin ng kabundukan at karagatan ay higit pa sa aming inaasahan. Ang preskong
hangin at tunog ng mga ibon ay nagbigay ng kasiyahan at katahimikan sa aming
puso.
Ang aming paglalakbay sa Balete Tree ay hindi lamang isang
simpleng paglilibot, kundi isang pagkilala sa kahalagahan ng kalikasan at
kasaysayan. Ang punong ito ay isang patunay na kahit sa gitna ng modernisasyon,
ang kalikasan ay mananatiling isang mahalagang bahagi ng ating buhay. Ito ay
isang paalala na dapat nating pangalagaan at respetuhin ang ating kapaligiran.
Aming ding natuklasan na sa kabila ng teknolohiya, sa kabila ng pagiging abala
sa mga kaganapan sa buhay, sa kabila ng mga kinakahrap mong problema, ay
kailang nating magpahinga o magmuni-muni tulad ng pagpunta sa mga lugar na may
magagandang tanawin sa ating paligid.
Sa aming pag-uwi, dala-dala namin ang mga alaala at aral na
natutunan namin sa aming paglalakbay. Ang pagpapahalaga, pangangalaga,
pagpapalago at pagpapayaman sa kalikasan, at pagkilala sa kasaysayan ay mga
bagay na hindi namin malilimutan. Ang aming paglalakbay sa Balete Tree o
Millenium Tree ay nagbigay sa amin ng mga karanasang puno ng kasiyahan at
pagkatuto na aming palaging bibitbitin sa aming mga puso at isipan araw-araw.
Sa hinaharap, nais naming magpatuloy sa paglalakbay at
pagtuklas ng iba pang natatanging yaman ng ating bansa. At ipagpatuloy ang
paniniwala at tradisyon na dapat nating tangkilikin ang bawat yaman ng ating
bansa na sariling atin talaga. Ang paglalakbay ay isang paraan upang maipakita
ang ating pagmamahal sa kalikasan at kultura ng ating mga komunidad.
Tunay na napakaganda at kahanga-hangang karanasan ang aming
paglalakbay sa Balete Tree ng Maria Aurora, Aurora. Ito ay isang patunay na ang
Pilipinas ay puno ng likas na yaman na dapat nating ipagmalaki, paunladin at
pangalagaan upang ang mga susunod na henerasyon ay maabutan pa ito at kanila
pang mapakinabangan sa kanilang hinaharap.
Comments
Post a Comment